Pagpapaliwanagin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang isang bus company kaugnay sa reklamo ng mga konduktor na hindi umano sila pinapasahod ng kompanya.
Nagdaos ngayong Lunes ng protesta ang mga konduktor upang ipanawagan na suwelduhan na sila ng kompanya, na kasali sa proyektong libreng sakay ng gobyerno sa EDSA. "We may have to issue a show cause order for the bus company [to ask] why they are not paying the salary of their employees," sabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra.Hindi umano maintindihan ng LTFRB kung bakit may mga konduktor na hindi nababayaran.
Base raw kasi sa napagkasunduan ng gobyerno at ng kasamang bus line, 70-30 ang hatian kung saan 30 porsiyento ng kita ang mapupunta sa driver at 70 porsiyento sa operator, kasama ang pasahod sa konduktor. Ayon kay Delgra, responsibilidad ng operator na pasahurin ang mga empleyado nito, kabilang ang mga konduktor.-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News